Tuesday, December 25, 2007

maligayang pasko sa lahat

sa isang pag-lihis sa tradisyon kong pagsusulat sa wikang ingles, binabati ko kayong lahat ng isang masayang pasko!

mga ilang sandali ang nakalipas, binasa kong muli ang mga nasasaisip ko noong nakaraang pasko. nadiskubre kong itong kapanahunan rin ang anibersaryo ng pag-lipat ko sa aking apartment sa maynila. naisulat kong kinakailangan kong maging payapa muna bago ko mapagkatiwalaang dalhin ang ilan sa mga pinakaiingatan kong gamit. ngayon, halos lahat ng aking gamit ay nasa aking apartment na.

kulang ang libreng panahon ngayong pasko, dahilan sa clerkship siyempre. ngunit isa ito sa mga masasayang pasko sa aking buhay. kasama ko ang aking mga kaibigan, pinagpala akong maging libre sa parehong pasko at bagong taon upang makapiling ang aking pamilya, at ang pagdating ni ysabel sa buhay ko.

gusto kong magpasalamat sa aking mga kaibigan, naging maintindihin sila sa aking mga kahinaan. gusto kong magpasalamat sa aking mga magulang, dinala niyo ako sa aking kinalalagyan, sa aking kapatid, ginawa mo akong responsable sa iyo (kahit na papaano hehehe). salamat sa iyo mahal kong sab, ikaw ang ilaw ng buhay ko ngayon. malamang na sasabihin ko sa sarili kong eeeew pag nabasa ko ito mga ilang oras lang ang makalipas hahaha. cheesy, pero hindi ako nagsisinungaling. nakakahiya, pero hindi ko kayang palagpasin ang pagkakataon na sabihin.

maraming, marami akong natutunan ngayong taon na ito, higit sa lahat, tungkol sa medesina. kung papaano alagaan ang aking mga pasyente. hindi ang pagmomonitor ko sa kanila ang nagpapagaling sa kanila, o kahit man ang gamot na iniinom nila o ang operasyon na pinagsasailaliman nila. naniniwala ako. naniniwala akong ang aming mga maiikling pag-uusap, tungkol sa buhay nila, mga problema, ang mga tangka kong gawing katawa-tawa ang aking sarili (sa maraming pagkakataon madali lang hahaha) para maibsan ang mga iniisip nila, ang lubos kong pagsubok na alamin ang "nickname" nila at ng kanilang palaging bantay ang isa sa mga malaking dahilan ng mabilis nilang pag-galing.

marami akong dasal ngayong pasko. bigyan ng liwanag ng puso at isip ang aming mga guro na susubok sa aming mga natutunan sa pagdating ng revalida. gabayan ang aking ama'ng nasa ibang bansa, at ang aking kapatid. bigyan ng tibay ng loob ang aking ina. gabayan si robert ang aking kaibigang nasa ibang bansa. bigyan pa ng maraming biyaya sina marge, at tina, steff, verle at kaye, mark at dwight, mga kasama kong a2, a1 at lahat ng taong napalapit sa aking kalooban. biyayaan ng kapayapaan at grasya kami ng aking kasintahan. pagpalain ang mga taong kapos sa pagkain, walang masilungan, lalo na ang mga matatanda na naiwan ng mga pamilyang walang nag-aalaga. higit sa lahat, nagpapasalamat ako sa mga natanggap, tinatanggap at tatanggapin ko pang biyaya mula kay Maria, ina ng lahat, ang anak niyang si Hesus at ng kanyang Espiritu Santo.

muli... binabati ko kayong lahat ng maligayang pasko at mapayapang bagong taon.

chris p. alipio
w.o.e. ^_^

No comments: